Wednesday, September 5, 2012

Salamisim


Matindi ang buhos ng ulan. Kasabay nito ang malakas na bayo ng hangin. Ako pa naman yung tipo ng tao na hindi nakakalimot magdala ng payong, at uhm.. laging nakakalimot na may dala nga akong payong. At ako rin yung tipo na hindi naman talaga nagpapayong kahit sobrang lakas na ng ulan. Totoo. Baka kasi mabasa yung payong ko. Kawawa naman. At dyahe rin kayang bumyahe pag may bitbit kang basang payong. At di mo rin pwedeng isara kaagad kasi babaho yung amoy. Amoy kulob. At, teka... nasa'n yung payong ko?!

Badtrip talaga. Pampito na ata 'to. Sa buong buhay ko? Hindi. Ngayong buwan lang. Nung isang araw, kala ko makakaabot ako sa bahay nang di nakakawala ng payong. Ending? Naiwan ko sa tricycle. Ang galing talaga. Ang galing.

"Dasmaaaaaa! Pala-palaaaaaa! SM Bacooooooor! Maluwag pa oh! Aalis naaaa!" sigaw ng konduktor.

"Manong.. Dasma?" tanong ko.

"Hinde. Biyaheng Tuguegarao 'to. Pero pwede ka naming ibaba sa Mandaluyong kung di ka pa rin okay." dinatnan ata si kuya. Buti na lang pula yung kulay ng pang-ibaba niya.

Sakay na 'ko dito. Mas dyahe siguro kung uuwi akong tulo-uhog at pupugak-pugak dala ng ubo. Halos puno na ang bus. Sa tantya ko, sampu na lang ang kulang para magmukha itong Ligo Sardines, tao nga lang ang laman, at mas masangsang ang amoy.

"Dito ka oh! May bakante pa!"

Parang pamilyar ang boses. Dumukwang ito at kumaway kaway.

"Dito! Dali, baka maunahan ka pa ng iba!"

Nakapagtataka.Tatlong katao ang nakatayo malapit sa kinauupuan ng kung sinumang nag-aalok sa'kin, ngunit wala man lamang nangahas na makipagunahan para sa kaisa-isang upuan. Kakatwang eksena. Teka... siya ba? Medyo maraming nakatayo at hindi ko siya masyadong maaninag.

"Sinave na kita! Bilisan mooo!"

Siya nga. Hindi ako maaaring magkamali. Sikat siya sa lugar namin. Sikat na hindi katumbas ng pagiging prominente nila Coco Martin, Marian Rivera, Willie Revillame, at Mang Kanor. Bagkus, sikat na katulad ng isang binatang napanood ko sa TV noon - tampulan ng tukso, malimit na sangkot sa mga gulo, at hindi tinatantanan ng mga tao sa paligid dahil sa "iba" ang kanyang pag-iisip. Kung ganoon nga ang tunay niyang pagkatao ay hindi ko alam. At hanggang ngayon, misteryo pa din siya sa buhay ko.

Si Norbert.