Tuesday, December 31, 2013

Huling Hirit Sa 2013

Magtatapos nanaman ang taon. Paalam sa lumipas na kulitan, galaan, kalokohan, gaguhan, iyakan, kasiyahan, sapakan, busy-busyhan, at pagmamahalan (?). Tulad ng dati, nagdaan ang maraming oportunidad at pagkakataon upang magbago. Kung pagbabago tungo sa ikabubuti o ikasasama ng ating sarili, hindi ko alam. Ang sigurado ako, bawat taon, may hatid na panibagong sangkap na hindi pa natin natitikman. Ibang luto ng isang putahe, kumbaga. Ang bawat taon kasi, parang pagkain. Madalas nakakabusog at nakaka-satisfy, masaya at enjoy. Minsan naman, nakasasama sa tyan. Kaya kailangang i-labas sa pamamagitan ng pag-upo sa trono, at pagbasa ng dyaryo (optional). Bawat bagong panahon na dumadating, may dalang ibang panlasa. Hindi natin alam kung swak ba sa tyan natin o hindi. Pero paano mo nga naman malalaman kung hindi mo titikman, diba? Kaya ang masasabi ko lang.. Kain lang nang kain! (Infante, 2013)

Saturday, November 30, 2013

Untitled

Kumusta ka?

Sana 'wag mong sabihin na ayos ka lang. Dahil alam ko, at alam mo sa sarili mo na hindi okay ang lahat.

Kailan ka huling ngumiti? Yung panahong sobrang saya mo? At parang lahat ay nangyari sa paraang ninais at inasam mo? Yung tipong wala kang pakialam sa mundo? Nasubukan mo na bang ngumiti nang pilit sa harap ng taong mahal mo? Kailan yung huling pagkakataong inisip mo lang ang sarili mong kapakanan at kaligayahan, at hindi yung mga taong nakapaligid sa'yo?

Kailan mo huling naramdaman yung presensya ng mga kaibigan mo? Hinahanap-hanap mo ba yung mga panahong kayo-kayo lang ang magkakasama? Sa tingin mo, kailan sila magpaparamdam? Nalulungkot ka ba dahil nakikita mong magkakasama sila at masaya, kahit nag-iisa ka at walang mapuntahan?

Kailan ka huling natulog nang may ngiti sa'yong mga labi? Kailan ka huling natulog nang mahimbing? Kailan ka huling natulog nang walang iniisip na kahit ano - walang bumabagabag, at walang ala-alang bumubulabog sa tahimik mong mundo?

Kailan ka huling nanindigan sa kung anong pinaniniwalaan mo at sa tingin mong tama? May pinaniwalaan ka na bang kasinungalingan? Yung taliwas sa nakasanayan mong buhay? Naranasan mo na bang ipaintindi sa sarili mo ang isang bagay, dahil ito ang idinidikta ng lipunang kinabibilangan mo?

Kailan ka huling umibig? Mahal mo ba ang sarili mo? Nasaktan ka ba dahil hindi mo naramdaman yung pagmamahal na inaasahan at inaasam mo? Ni minsan ba, naisip mo na bigay ka lang nang bigay, kahit wala kang natatanggap? Nasubukan mo na bang saktan yung sarili mo dahil sa tingin mo, 'yun na lang ang tanging paraan para maglaho ang kirot sa'yong puso? Sumagi ba sa isip mo na 'wag na lang magmahal dahil alam mong masasaktan ka lang?

Kailan huling nablanko ang iyong isipan? Yung wala kang inaalalang kahit ano? Nalulungkot ka ba kasi may mga tao kang pinaasa at binalewala? Naranasan mo na ba ang mga bagay na ito kaya naisip mong gawin ito sa iba dahil sa tingin mo, gagaan ang loob mo?

Kailan mo huling naramdaman na hindi ka nag-iisa? Na marami kang kaibigan at hindi mabilang ang mga tao sa paligid mo na handang umagapay sa'yo anumang oras? May mga panahon ba na kahit ganito yung sitwasyon, naramdaman mong may kulang pa din? At alam mong hindi ito masusukat sa dami ng taong makatutulong sa'yo, dahil ang tanging kalaban mo ay ang sarili mo?

Ngayon, sabihin mo sa'kin..

Kumusta ka?

Tuesday, October 29, 2013

Panimdim

Pinagmamasdan ka mula sa malayo
Mga mata mo'y nangungusap, nagbabadya
Ng animo'y tinatagong silakbo
Ng damdaming nais lumaya

Pilit nililimot ang nakaraan
Bagkus binabalikan ang bawat alaala
Tila isang multong tangan tangan
Anino ng kahapon, naglaho ang mga tala

Marahan kang umupo, di alintana
Pagbuhos ng ulan umiyak ang langit
Iyong pinawi ang umaagos na luha
Mula sa mga matang puno ng pait

Binibigkas ang mga salita
Walang patid ang pagsusumamo
Taliwas sa mapanlinlang na itsura
Binubulong, nagsusumigaw na puso

Tahan na, aking sinta, sambit ko
Aakapin sana, idadampi ang mga labi
Ngunit tila hangin, ako'y tumagos sa'yo
Nanaghoy ang kaluluwa, namatay ang ngiti

Thursday, April 25, 2013

Ang mga Babae..

Ang mga babae, moody. Minsan, nakakairita lalo na kung masaya kayo, tapos bigla ka na lang tatarayan; Halos buong araw kayong magkasama tapos pag-uwi niyo, bad mood na agad sa text; Nagkukulitan lang kayo tapos sa isang iglap, gusto ka na niyang burahin sa mundo. Magulo. Napakagulo. Di mo alam kung ano yung iisipin mo. Kung ikaw nanaman ba yung may kasalanan, o kung may nagawa kang ikababadtrip niya. Iisipin mo kung may sinabi kang hindi kanais-nais tungkol sa paborito niyang pagkain, hayop, o kaya sa Chicser. Pero sa bandang huli, inosente ka. Nasa kanila pala ang problema.

Ang mga babae, masikreto. Kahit ang pinakatinatago-tagong kili-kili, o kaya ang kanilang high school diary, sinisikreto nila. Lahat, hindi mo pwede malaman. Lalo na kung ang paguusapan ay ang kanilang feelings. Kahit magpaka-Detective Conan ka, o kahit tawagin mo si Sherlock, wala pa rin. Daig pa nito ang Yamashita's Treasure na kahit sa panaginip ay hinding hindi mo matatagpuan o makukuha. Kung ibabahagi man nila ang kanilang saloobin, malamang sa kapwa lamang nila babae. At syempre, automatic na susumpa ang kanilang best friends sa Code of Silence. At hindi ito aabot sa'yo. Imposible. 

Ang mga babae, masyadong mahigpit. "Dapat nakauwi ka na ng 7pm, ha?" "Kumain ka three times a day!" "Wag ka magpapagod, ha?" Ang tindi. Daig pa ang nanay mo. Minsan, nakakairita na. Lalo na kung nagcocomputer ka, o kaya Basketball with your friends. Kulang na lang ay bigyan ka ng To-do list araw-araw eh, o kaya naman ay mag-apply na personal yaya mo.

Ang mga babae, maarte. Make-up dito, make-up doon. Foundation dito, foundation doon. Retouch maya't maya. Akala mo palaging may pictorial sa isang fashion magazine. Nasa bahay lang, pero ang getup, 'kala mo endorser ng F&H. Lalo na kung nagshashopping? Aysos! Ang siste, kasama ka pa. BIG MISTAKE, DUDE. Ayos yan, pag-uwi niyo, Bandila na, or worse, Lupang Hinirang.

Ang mga babae, sobrang clingy. Every now and then, itetext ka. Papaalalahanan ka na dapat kumain ka sa tamang oras, at maligo nang 14 na buhos. Tiyak ang paalala. Walang mintis. Hindi sila sasablay pagdating sa kung anong dapat mong gawin, minu-minuto, oras-oras, araw-araw. At eto pa, halimbawa nag-date kayo. Sigurado ako, hindi pa natatapos yan pag-uwi nyo. Itetext at itetext ka pa nyan hanggang sa makatulog siya. Akala mo hindi kayo magkasama nang isang buong araw. Daig pa ang tuko sa pagka-clingy. Lakas.

Pero, subukan nating suriin ang ilan sa mga kaugaliang ito ng mga babae, at tignan ang ilang konteksto mula sa ibang perspektibo. Ika nga eh, "Read between the lines."

Moody ang mga babae kasi, tulad mo, may mga problema at pinagdadaanan din sila. Personal at pansariling problema na marahil hindi nila maibahagi sa mga lalaki dahil hindi nila ito maiintindihan. Bilang babae, marami silang dapat pagtuunan ng pansin at responsibilidad na pinanghahawakan. Tao din silang may mga pinagdadaanan sa buhay. Problema sa bahay, sa pamilya, o kaya sa pag-aaral. Kung ikukumpara ang problema ng mga lalaki sa problema nila, walang-wala. Sobrang walang-wala. Subukan mo kayang datnan at tumanggap ng buwanang dalaw? At eto, subukan mo kayang mabuntis at magdalantao sa loob ng halos siyam na buwan? Ano, kaya mo? Minsan kasi, sariling kapakanan lang natin yung iniisip natin. Wala tayong pakialam kung anong nararamdaman ng mga kababaihan. At wala rin tayong ideya na bagama't may mga ngiti sa kanilang mga mukha, nagdurugo at umiiyak naman ang mga puso nila.

Masikreto ang mga babae kasi, alam nila na hindi maiintindihan ng kung sino man ang pinagdadaanan nila. Likas sa kanila ang maging malihim. Tulad ng sinabi ko sa itaas, dapat laging read between the lines. Kapag sinabi nilang, "Okay lang ako." Wag na wag mo silang sasagutin ng, "Ayun naman pala eh. Sige. Candy Crush muna 'ko." At kapag tinext ka naman nila ng, "Bahala ka," hindi pwedeng replyan yan ng, "Oh yeah! Sige, text kita mamaya! Dota all the way!" READ BETWEEN THE LINES. Hindi lahat ng naririnig mo, totoo. At hindi lahat ng nakikita mo, dapat mong paniwalaan.

Masyadong mahigpit ang mga babae kasi, likas silang maalalahanin. Lahat gagawin nila para sa mga taong mahal nila. Dahil ang alam nila, iyon ang tama at ang dapat nilang gawin bilang isang babae. Mahilig silang magsakripisyo. Tipong maglalaan sila ng oras para lang sa mga taong hindi naman nila kadugo. Ayos lang sa kanilang itext ka maya't maya para kumain. Ayos lang din sa kanilang matulog ng ala-una nang madaling araw para lang hintayin kang makauwi. At ayos lang din na magpaka-nanay sila dahil ang hangarin nila ay walang pinagkaiba sa mga ina : ang mahalin at alagaan ang mga taong malapit sa kanilang mga puso.

Maarte ang mga babae kasi, gusto nilang maging maganda sa paningin ng mga mahal nila sa buhay. Sobrang tagal sa banyo, ilang oras ang nilalaan sa pagmemake-up, lahat para lang maging presentable ang kanilang mga itsura. Lahat ng pagpapaganda, gagawin nila para hindi na tumingin sa iba si BF. Pero dear girls, marahil na-overlook niyo ang isang importanteng bagay : simplicity. Ika nga eh, "Simplicity never fails." Hindi alam ng mga babae na hindi mahalaga sa mga lalaki ang "looks"... Well, sa ibang lalaki. Pero majority, sigurado ako, naiirita sa makapal na make-up(feeling espasol), masyadong materialistic na attitude at medyo sossy-type na pag-uugali. Seriously speaking, iba ang aura kapag simple. Makalaglag-brief ang dating.

Sobrang clingy ang mga babae kasi, sobra din sila kung magmahal. Gaya ng mga ilang nabanggit sa itaas, likas rin ito sa kanila. Karaniwan, sa isang magkarelasyon, mas clingy ang babae. Pero don't get me wrong, hindi porket clingy, mas mapagmahal. May iba pa din kasing paraan para ipakita ang pagmamahal sa isang tao bukod sa pagiging clingy. Wala silang ibang hangad kundi ang kapakanan ng mga mahal nila sa buhay. Madalas, kahit magmukha silang tanga, ayos lang. Ganun sila magmahal eh. Walang pakialam kung nasasaktan na sila, at kung ilang luha na ang tumutulo. Ang importante, maipakita nila yung nararamdaman nila.

Magulo man at mahirap silang intindihin paminsan-minsan, hindi pa rin ito sapat na rason para saktan at iwan sila. Sa kabila ng lahat ng kapintasan nila, dapat pa rin silang respetuhin. Tandaan, ang mga babae ang dahilan kung bakit tayo nandito sa mundong ating ginagalawan. Kaya dapat natin silang suklian ng pagmamahal na karapat-dapat na para sa kanila. Minsan lamang sa buhay natin na may darating na magmamahal at magaalaga sa atin. Yung hindi tayo iiwan at sasaktan. At kapag dumating na yung panahong iyon, dapat handa tayong ibigay ang lahat. Pati ang buhay natin. Dahil iba ang tunay na pag-ibig. Iba ang TL.

Astig magmahal!

Friday, January 18, 2013

Balakyot

Lahat ng tao may kwenta. Hindi lang nakikita ng iba yung sa kanila kasi kinakain sila ng pangamba at takot. Pangambang makasakit. At takot na masaktan ng ibang tao. Mas pinili na lang nilang makulong sa mga sarili nila. Nag-iisa. Walang pakialam sa mundo. Ngunit may puwang sa puso ng iba. 

Hindi ko alam kung paano ito nagsimula. Ni minsan, hindi ko pinangarap na maging ganito. Hindi sumagi sa isip ko ang maging iba - taliwas sa nakikita ng tao, at iba sa idinidiktang pamantayan ng mundo. Kung saan, kailan, at bakit ito nagsimula, hindi ko alam. 

Mabilis ang mga sumunod na kaganapan. Marahang gumapang at nilupig ang buo kong pagkatao. Isang araw, pagdilat ko, iba na ang mundo. Nagbago lahat ng bagay na kinagisnan at pinaniwalaan habang binubuo ko ang aking diwa. Sa wari ko, hindi na kailanman mababanaag ang pagkalugod sa aking kamalayan. Ang dangal na pinakaiingatan ko mula nang mamulat sa sariling ulirat, ngayo'y dinudusta at pinangingibabawan ng pag-aalipusta. 

Sagad-sagaran ang pagkamuhi ko sa aking sarili. Umabot sa puntong ang mga sugat, batik at bawat tumutulong dugo mula sa aking kalamnan ay di ko alintana. Sa katunayan, iba ang galak sa bawat pagtunghay sa eksenang ito. Sukdulan ang pagkapoot ko sa aking pagkatao. Hindi ako mag-aatubiling talupan ang maninipis na bagay na kumakalinga sa aking bawat kalamnan. Madali. Masakit. Pero ito ang idinidikta ng madla.

Wala akong panahong magnilay-nilay. Subalit hindi ako tinatantanan ng dambuhalang diyablong namamahay sa aking puso. Gabi-gabi sa aking panaginip, ni minsan hindi siya nabigong dumalaw. Sa bawat minutong lumilipas, tila baga isa siyang aninong sunud-sunuran sa akin. Ang kaibahan, ako ang kanyang alipin.

Marami ang nagmamahal sa akin. Alam ko sa aking puso at isipan. Minsan nawari ko, ano ang pakiramdam na muling maging malaya? Ang tumakas sa madilim na bilangguang pinamumunuan ng mga bardagol? Isa itong salot, pesteng sa isang iglap ay kaya kang lamunin nang buo. Alam ko, kakayanin ko. At sa tantya ko, hindi pa huli ang lahat. Mahirap, pero hindi imposible.