Tuesday, March 25, 2014

Conductor

Mariin niyang pinisil ang kanyang mga hita, pampatanggal kaba at tensyon kumbaga. Tumayo at maingat na pinagpag ang makinis na Amerikana. Hindi niya namalayang halos limang minuto na pala siyang nakatitig sa salamin.
            “Pag sumikat na ‘ko, bibigyan ko ng ticket sina Inay at Itay, pati na ang buong barangay namin!” batid niya sa sarili.
            “Sir Anthony, next na po tayo.”
            Bumukas ang pulang tabing. Nagniningning sa ganda ang malaking teatro ng Metropolitan. Libo-libong tao ang naglabasan ng kanilang mga camera. Ngiti dito, ngiti doon. Kaway sa kaliwa, kaway sa kanan. Pumwesto siya sa gitna at sinenyasan ang bawat grupo. Itinaas niya ang baton. Umpisa na ang palabas.
            Unti-unting nanumbalik ang realidad. Ilang minuto na pala siyang nakatitig sa kawalan.

            “Kuya, sabi ko po isang Cubao, estudyante.”

Ayaw sa Stress

Usap-usapan nanaman kanina sa opisina ang hinihinalang pagkasangkot ni Gov sa isang insidente ng gun-smuggling sa Naic. Bagsak ang turismo ng Tagaytay dahil sa lumalalang epidemya na tila wala nang lunas, ayon sa karamihan. Patuloy rin ang pag-kidnap sa mga batang palaboy sa Imus upang pagkakitaan ang kanilang laman-loob.
            Pinatay niya ang TV. Bahagyang nasubunutan ni Gov ang sarili. Napabuntong-hininga. Marahang tumayo sa kinauupuang sofa at binunot sa ilalim ng mesa ang nakakabit na kalibre. 45. Matapos siguraduhing puno ang magasin nito, agad niyang tinahak ang lihim na pasilyo patungo sa basement ng kanyang mansyon.
            Hindi niya na ipininid ang pinto. Unang putok. Lumaki ang kaninang maliit na siwang ng pintuan. Akmang kakalabitin niyang muli ang gatilyo..

            “O Gov, ang aga niyo sa  range ngayon ah?”

Ang Aking First Time

“Man up, bro. Journalism course mo tapos hindi mo makausap si Angela? Alam ko mukha siyang artista pero kaklase lang natin siya. Wag kang torpe!” sabi sa’kin ni Earl, tropa ko.
                Free cut na namin nun. Pero unlike any other girls, sa room muna tumatambay si Gela. Madalas, naglalaro lang sa iPhone niya. Walang kolorete or kahit make-up sa mukha. Simple, pero malakas ang dating. There’s really something about her that I can’t even put into words. Ang lakas na nga ata ng tama ko sa kanya.
                “Ikaw na kaya kumausap. Mas malaki naman bayag mo sa’kin eh,” sagot ko.
                “Unang-una, tama ka dyan. Pangalawa, single ka, single siya, might as well try it, diba?
                Naisip ko, may punto yung kumag. Pareho naman kaming available that time. So I gathered up my courage to ask her out. Hinintay ko munang umalis lahat ng kaklase ko, lalo na si Earl kasi walang duda, tatadtarin ako ng asar nun. After several minutes, kami na lang ni Gela sa room. Natagalan siguro siya sa pag-ayos ng gamit niya. Or baka sinadya niyang tagalan para talagang maiwan kaming dalawa. Or makapal lang talaga yung mukha ko para mag-assume.
                “Uhm, hi Gela. Got any plans for later?” pautal-utal kong tanong.
                “Oh, it’s you.” sagot niya.
                Hindi ko alam kung bakit at alam kong corny pero parang tumigil ang mundo ko nung mga panahong yun. Usually, sa mga palabas ko lang napapanood ‘to. Ngayon, personal ko nang naeexperience. Hinihintay niya ba ‘kong iapproach siya? Ano ibig sabihin nung sinabi niya?
                “I guess so. Hehehe!” sabi ko.
                Patay. Wrong move ata. Ilang segundo pa yung lumipas bago siya kumibo ulit.
                “Hmm, wala naman. Why?” tanong niya.
                “Do you wanna have lunch or something? Maaga pa naman eh.” sabay nagdasal nang tahimik sa lahat ng diyos na sana pumayag siya.
                “Yeah, sure. But first, you should use protection, okay? Let’s go.”
               What the fuck did she mean by that?? Nasobrahan ata ako sa bilang ng diyos na dinasalan. Sa totoo lang, wala na ‘kong nagawa kundi sumama na lang sa kanya. For the first time in my life, babae yung naglead sa’kin. Di ko alam kung saan kami pupunta o kung saan niya ‘ko dadalhin. Pero the whole time, tikom lang yung bibig ko.
                Tumigil kami sa harap mismo ng botika. Sa isip-isip ko, mukhang alam ko na kung anong ibig sabihin nito. Sobrang naexcite ako, at kinabahan at the same time dahil first time kong gagawin ‘to.
                “Listen, I’m your friend kaya concern ako. I hope you won’t misinterpret this. Bili ka na ng protection para di makaperwisyo, okay?” sabay binulong kung ano’ng ibig niyang sabihin.
                Pawis na pawis na ‘ko kahit makulimlim yung panahon. I had no choice but to do what she said. Dahan-dahan akong lumapit sa babaeng tindera..

                “May deodorant ho kayo”?

Saturday, January 4, 2014

Si Wacko

Mahal na mahal ko si Wacko. At sa lahat ng naging aso namin, siya ang pinakagusto ko.

Nasa ika-apat na baitang ako nang ipinamigay siya sa'min ni Tiya Daisy. Sa sobrang liit niya, delikadong iwan siya kung saan-saan at baka matapakan. Labrador ata yung breed niya. Kulay krema. Maliit at mataba na parang ang sarap kainin. Magaslaw at sobrang liksi. Ang kaso lang, hindi pala lahat ng tao, nasisiyahan sa nakatutuwang nilalang na kung tawagin ay "man's best friend."

"Tangina namang aso 'yan. Dumi dito, ihi doon. Wala bang ibang alam gawin 'yan? Tahol pa nang tahol kahit dis-oras na nang gabi! Ewan ko ba kasi bakit tinanggap mo pa 'yan eh. Eh wala na nga tayong halos makain," himutok ni inay.

Kung tutuusin, wala naman kaming masyadong ginagastos kay Wacko. Yung pagkain niya, tira-tira lang namin. Minsan nga, wala pa. Sa baryo namin, bihira ka lang makakakita ng pamilyang nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Tsamba na kung dalawa. Swerte kung isa.

Gawa sa pinagsama-sama at tinaling kawayan at pawid ang aming payak na tirahan. Anahaw at dahon ng nipa naman ang nagsisilbing panangga sa init ng araw at buhos ng ulan.

"Oh Nico, alagaan mo ang nanay mo ah? Bukas na 'ko nang tanghali makakauwi. Panahon ng ani ngayon at mas kakailanganin kami sa bukid. Si Wacko, bantayan mo din at baka ngatngatin nanaman yung mga basahan," pagpapaalam ni itay.

"Pasalubong ko ho, 'tay ah? Ingat po kayo!" kasabay ng pag-mano ko.

Pasado ala-una nang madaling araw noong nagising kami ni inay dahil sa walang tigil na kahol ni Wacko. Galit siyang bumangon at kinuha ang tungkod sa itaas ng tokador. Pero agad napalitan ng takot at pagkagulat ang galit ni inay. Dahan-dahan na palang tinutupok ng apoy ang aming munting tahanan.

"Nico! Bumangon ka! Kunin mo lahat ng pwede pang maisalba! Magmadali ka!" Wala na kaming sinayang na oras dala na rin ng pagkataranta. Hakot dito, pulot doon. Hanggang sa mailabas na namin lahat ng mahahalagang gamit maging ang mga papeles ni itay. Marahang nilamon ng apoy ang kubo namin. Ang mga ala-ala at gunita, kasama ding naglaho.

Kasabay nito, ang alulong na unti-unting napalitan ng nakabibinging katahimikan.

Friday, January 3, 2014

Hiling

"Madalas kami dati dito ng nanay mo nung mga bata pa kami. Nakikita mo yung nag-iisang puno dun sa gitna ng bukirin? Lagi naming inaabangan ang paglubog ng araw noon. Walang palya 'yun," pagmamayabang ko.

Maaraw pero sakto lang yung init. Lagpas alas-singko na kasi nang hapon. Iba talaga dito sa probinsya, tahimik anumang oras. Wala masyadong tao, at 'di ka pa maaabala sa tuwing maisipan mong magmuni-muni tungkol sa mga bagay-bagay.

"Nakasakay na po ba kayo sa kalabaw ni inay?" tanong ni Jackie.

"Ay, oo. Lagi nga lang kaming pinapagalitan ng lolo mo kasi para daw kaming bata. Di mo naman kami masisisi kasi nga mga bata pa naman kami noong panahong 'yun!" natatawa kong sagot.

Marahan ang bawat kumpas ng hangin. Nakakahalina ang payapa at banayad na awrang hatid ng parang. Sumasayaw na tila baga nanunuyo ang mga talahib.

"Pero alam mo, noong yumao ang nanay mo, wala na akong ibang inisip kundi ang kapakanan at kasiyahan mo. Nakikita ko kasi siya sa mga mata mo eh."

"Si itay naman, napakama-drama! Oh, papalubog na po pala yung araw! Akyat tayo dun sa puno, dali!" aniya.

Tila bumata ako ng sampung taon nang makipagunahan kay Jackie hanggang sa puno ng mangga. Humahangos pa kami pareho dahil kulang-kulang isang kilometro din ang layo ng puno mula sa kinatatayuan namin kanina. Dahan-dahang nagpaalam ang araw. At kasabay nito, ang mga salitang kailanman ay di maaalis sa aking puso at isipan.

"Sana po ikaw na lang ang tatay ko," sambit niya.

Thursday, January 2, 2014

Schizo

Pasado alas-diyes na nang umaga nung magising ako. Nakapapaso ang init na tumatagos sa durungawan. Malamang tinaas nanaman ni nanay yung kurtina na karaniwang nakatakip sa bintana.

Si nanay.

Halos mapatid lahat ng ugat niya kagabi nung nag-away kami. Kibit-balikat lang ako dati sa tuwing sinasabi niya na walang patutunguhan at walang maidudulot na maganda sa buhay ko ang relasyon namin ni Mercy. Marahil nasasabi lang din ito ng nanay dala ng sakit niya. At syempre, pinabulaanan ko na matino at disente pa ding tipo ng babae si Mercy sa kabila ng nakaraan niya. Alam ko sa sarili ko na ako ang makapagpapabago sa lahat ng pananaw niya sa buhay.

Hindi ko matanggap na nagawa ni nanay na paghiwalayin kami. Parang kahapon lang, magkasama pa kaming naghapunan. Di ko akalain na huling beses na pala yun.

Pinilit kong bumangon, uminom ng gamot at sinubukang labanan ang sakit ng katawang dala ng matinding pagod at naubos na lakas dahil sa nangyari kagabi. Masama man ang loob ko, hinanap ko si nanay. Medyo lumamig na rin siguro yung ulo namin pareho dahil sa lumipas na magdamag. Binaybay ko ang makipot na pasilyo papunta sa sala.

"Nay, nasa'n ka?" sambit ko. Walang sumagot. Bagkus, may natanaw akong kutsilyong may dugo sa ibabaw ng mesa. At sa tabi nito, ang asul na panyo ni Mercy. Dali-dali ko siyang tinawagan.

At umalingawngaw sa buong bahay ang ringtone ng cellphone niya.

Tuesday, December 31, 2013

Huling Hirit Sa 2013

Magtatapos nanaman ang taon. Paalam sa lumipas na kulitan, galaan, kalokohan, gaguhan, iyakan, kasiyahan, sapakan, busy-busyhan, at pagmamahalan (?). Tulad ng dati, nagdaan ang maraming oportunidad at pagkakataon upang magbago. Kung pagbabago tungo sa ikabubuti o ikasasama ng ating sarili, hindi ko alam. Ang sigurado ako, bawat taon, may hatid na panibagong sangkap na hindi pa natin natitikman. Ibang luto ng isang putahe, kumbaga. Ang bawat taon kasi, parang pagkain. Madalas nakakabusog at nakaka-satisfy, masaya at enjoy. Minsan naman, nakasasama sa tyan. Kaya kailangang i-labas sa pamamagitan ng pag-upo sa trono, at pagbasa ng dyaryo (optional). Bawat bagong panahon na dumadating, may dalang ibang panlasa. Hindi natin alam kung swak ba sa tyan natin o hindi. Pero paano mo nga naman malalaman kung hindi mo titikman, diba? Kaya ang masasabi ko lang.. Kain lang nang kain! (Infante, 2013)