Saturday, January 4, 2014

Si Wacko

Mahal na mahal ko si Wacko. At sa lahat ng naging aso namin, siya ang pinakagusto ko.

Nasa ika-apat na baitang ako nang ipinamigay siya sa'min ni Tiya Daisy. Sa sobrang liit niya, delikadong iwan siya kung saan-saan at baka matapakan. Labrador ata yung breed niya. Kulay krema. Maliit at mataba na parang ang sarap kainin. Magaslaw at sobrang liksi. Ang kaso lang, hindi pala lahat ng tao, nasisiyahan sa nakatutuwang nilalang na kung tawagin ay "man's best friend."

"Tangina namang aso 'yan. Dumi dito, ihi doon. Wala bang ibang alam gawin 'yan? Tahol pa nang tahol kahit dis-oras na nang gabi! Ewan ko ba kasi bakit tinanggap mo pa 'yan eh. Eh wala na nga tayong halos makain," himutok ni inay.

Kung tutuusin, wala naman kaming masyadong ginagastos kay Wacko. Yung pagkain niya, tira-tira lang namin. Minsan nga, wala pa. Sa baryo namin, bihira ka lang makakakita ng pamilyang nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Tsamba na kung dalawa. Swerte kung isa.

Gawa sa pinagsama-sama at tinaling kawayan at pawid ang aming payak na tirahan. Anahaw at dahon ng nipa naman ang nagsisilbing panangga sa init ng araw at buhos ng ulan.

"Oh Nico, alagaan mo ang nanay mo ah? Bukas na 'ko nang tanghali makakauwi. Panahon ng ani ngayon at mas kakailanganin kami sa bukid. Si Wacko, bantayan mo din at baka ngatngatin nanaman yung mga basahan," pagpapaalam ni itay.

"Pasalubong ko ho, 'tay ah? Ingat po kayo!" kasabay ng pag-mano ko.

Pasado ala-una nang madaling araw noong nagising kami ni inay dahil sa walang tigil na kahol ni Wacko. Galit siyang bumangon at kinuha ang tungkod sa itaas ng tokador. Pero agad napalitan ng takot at pagkagulat ang galit ni inay. Dahan-dahan na palang tinutupok ng apoy ang aming munting tahanan.

"Nico! Bumangon ka! Kunin mo lahat ng pwede pang maisalba! Magmadali ka!" Wala na kaming sinayang na oras dala na rin ng pagkataranta. Hakot dito, pulot doon. Hanggang sa mailabas na namin lahat ng mahahalagang gamit maging ang mga papeles ni itay. Marahang nilamon ng apoy ang kubo namin. Ang mga ala-ala at gunita, kasama ding naglaho.

Kasabay nito, ang alulong na unti-unting napalitan ng nakabibinging katahimikan.

Friday, January 3, 2014

Hiling

"Madalas kami dati dito ng nanay mo nung mga bata pa kami. Nakikita mo yung nag-iisang puno dun sa gitna ng bukirin? Lagi naming inaabangan ang paglubog ng araw noon. Walang palya 'yun," pagmamayabang ko.

Maaraw pero sakto lang yung init. Lagpas alas-singko na kasi nang hapon. Iba talaga dito sa probinsya, tahimik anumang oras. Wala masyadong tao, at 'di ka pa maaabala sa tuwing maisipan mong magmuni-muni tungkol sa mga bagay-bagay.

"Nakasakay na po ba kayo sa kalabaw ni inay?" tanong ni Jackie.

"Ay, oo. Lagi nga lang kaming pinapagalitan ng lolo mo kasi para daw kaming bata. Di mo naman kami masisisi kasi nga mga bata pa naman kami noong panahong 'yun!" natatawa kong sagot.

Marahan ang bawat kumpas ng hangin. Nakakahalina ang payapa at banayad na awrang hatid ng parang. Sumasayaw na tila baga nanunuyo ang mga talahib.

"Pero alam mo, noong yumao ang nanay mo, wala na akong ibang inisip kundi ang kapakanan at kasiyahan mo. Nakikita ko kasi siya sa mga mata mo eh."

"Si itay naman, napakama-drama! Oh, papalubog na po pala yung araw! Akyat tayo dun sa puno, dali!" aniya.

Tila bumata ako ng sampung taon nang makipagunahan kay Jackie hanggang sa puno ng mangga. Humahangos pa kami pareho dahil kulang-kulang isang kilometro din ang layo ng puno mula sa kinatatayuan namin kanina. Dahan-dahang nagpaalam ang araw. At kasabay nito, ang mga salitang kailanman ay di maaalis sa aking puso at isipan.

"Sana po ikaw na lang ang tatay ko," sambit niya.

Thursday, January 2, 2014

Schizo

Pasado alas-diyes na nang umaga nung magising ako. Nakapapaso ang init na tumatagos sa durungawan. Malamang tinaas nanaman ni nanay yung kurtina na karaniwang nakatakip sa bintana.

Si nanay.

Halos mapatid lahat ng ugat niya kagabi nung nag-away kami. Kibit-balikat lang ako dati sa tuwing sinasabi niya na walang patutunguhan at walang maidudulot na maganda sa buhay ko ang relasyon namin ni Mercy. Marahil nasasabi lang din ito ng nanay dala ng sakit niya. At syempre, pinabulaanan ko na matino at disente pa ding tipo ng babae si Mercy sa kabila ng nakaraan niya. Alam ko sa sarili ko na ako ang makapagpapabago sa lahat ng pananaw niya sa buhay.

Hindi ko matanggap na nagawa ni nanay na paghiwalayin kami. Parang kahapon lang, magkasama pa kaming naghapunan. Di ko akalain na huling beses na pala yun.

Pinilit kong bumangon, uminom ng gamot at sinubukang labanan ang sakit ng katawang dala ng matinding pagod at naubos na lakas dahil sa nangyari kagabi. Masama man ang loob ko, hinanap ko si nanay. Medyo lumamig na rin siguro yung ulo namin pareho dahil sa lumipas na magdamag. Binaybay ko ang makipot na pasilyo papunta sa sala.

"Nay, nasa'n ka?" sambit ko. Walang sumagot. Bagkus, may natanaw akong kutsilyong may dugo sa ibabaw ng mesa. At sa tabi nito, ang asul na panyo ni Mercy. Dali-dali ko siyang tinawagan.

At umalingawngaw sa buong bahay ang ringtone ng cellphone niya.