"Kasabay ng pagtulo ng luha sa kanyang pisngi, ang mga pangakong naglaho at ang paglipad ng mga pangarap tungo sa walang hanggang kawalan."
Maaliwalas ang panahon. Banayad ang pagkumpas ng hangin. Gaya nung nakaraang taon, maagang dumating si Hans sa tagpuan nila ni Karla.
"Oy di ako na-late this time ha? Mas maaga pa 'to compared to last year. Hehe! Happy Anniversary, mahal ko." sabay abot ng sampung piraso ng rosas at isang pakete ng chocnut, sabay umupo sa damuhan.
Sampung taon na silang magkasintahan. Bagama't di mabilang na dagok na ang dumating sa buhay nila, nanatiling tapat pa rin sila sa isa't isa.
"Naaalala ko, 10 years ago. Dito mo 'ko sinagot. Hehe. Dun sa taas ng puno ng mangga oh. Lagi ka pa ngang nagpapabuhat noon kasi anliit mo eh. Haha! Teka, hanggang ngayon naman eh!" umalingawngaw ang tawa ng binata.
"Nga pala, ginawan kita ng tula. May iba dyan na free verse ah? Alam mo naman na di talaga ako nagsusulat eh. Ikaw naman kase. Di ba pwedeng portrait na lang ulit? Hehe."
Nagtapos sa kursong Fine Arts sa UP si Hans, si Karla, CommArts naman sa UST. Pareho silang nagtapos na Cum Laude.
"Alam mo, 10 years from now, ganito pa din kaya tayo? Sana, oo. Di naman ako mawawala eh. Kahit anong mangyari, di kita iiwan, Karla. Mahal na mahal kita." tumayo na ito.
"Oh, Hans. Napaaga ka ata? Alis ka na, hijo?" isang boses mula sa kanyang likuran.
"Oho Mang Berting, busy ho sa site eh. Oo nga po pala, paki-trim na lang po yung damuhan sa paligid ni Karla ha? Medyo lumalago na ho eh. Sige ho, tuloy na po ako!" sabay punas ng luha mula sa kanyang pisngi.
No comments:
Post a Comment