Saturday, January 4, 2014

Si Wacko

Mahal na mahal ko si Wacko. At sa lahat ng naging aso namin, siya ang pinakagusto ko.

Nasa ika-apat na baitang ako nang ipinamigay siya sa'min ni Tiya Daisy. Sa sobrang liit niya, delikadong iwan siya kung saan-saan at baka matapakan. Labrador ata yung breed niya. Kulay krema. Maliit at mataba na parang ang sarap kainin. Magaslaw at sobrang liksi. Ang kaso lang, hindi pala lahat ng tao, nasisiyahan sa nakatutuwang nilalang na kung tawagin ay "man's best friend."

"Tangina namang aso 'yan. Dumi dito, ihi doon. Wala bang ibang alam gawin 'yan? Tahol pa nang tahol kahit dis-oras na nang gabi! Ewan ko ba kasi bakit tinanggap mo pa 'yan eh. Eh wala na nga tayong halos makain," himutok ni inay.

Kung tutuusin, wala naman kaming masyadong ginagastos kay Wacko. Yung pagkain niya, tira-tira lang namin. Minsan nga, wala pa. Sa baryo namin, bihira ka lang makakakita ng pamilyang nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Tsamba na kung dalawa. Swerte kung isa.

Gawa sa pinagsama-sama at tinaling kawayan at pawid ang aming payak na tirahan. Anahaw at dahon ng nipa naman ang nagsisilbing panangga sa init ng araw at buhos ng ulan.

"Oh Nico, alagaan mo ang nanay mo ah? Bukas na 'ko nang tanghali makakauwi. Panahon ng ani ngayon at mas kakailanganin kami sa bukid. Si Wacko, bantayan mo din at baka ngatngatin nanaman yung mga basahan," pagpapaalam ni itay.

"Pasalubong ko ho, 'tay ah? Ingat po kayo!" kasabay ng pag-mano ko.

Pasado ala-una nang madaling araw noong nagising kami ni inay dahil sa walang tigil na kahol ni Wacko. Galit siyang bumangon at kinuha ang tungkod sa itaas ng tokador. Pero agad napalitan ng takot at pagkagulat ang galit ni inay. Dahan-dahan na palang tinutupok ng apoy ang aming munting tahanan.

"Nico! Bumangon ka! Kunin mo lahat ng pwede pang maisalba! Magmadali ka!" Wala na kaming sinayang na oras dala na rin ng pagkataranta. Hakot dito, pulot doon. Hanggang sa mailabas na namin lahat ng mahahalagang gamit maging ang mga papeles ni itay. Marahang nilamon ng apoy ang kubo namin. Ang mga ala-ala at gunita, kasama ding naglaho.

Kasabay nito, ang alulong na unti-unting napalitan ng nakabibinging katahimikan.

No comments:

Post a Comment